Print Friendly and PDF

Ang Engkantada ng Makulot

Ang Engkantada ng Makulot

Ang mga naninirahan sa munting bayan ng Cuenca ay maligaya, matahimik at matakutin sa diyos. Ang Cuenca ay tirahan ng mabait na prinsesang reyna ng Makulot. Siya ay mahiwaga. Ang kanyang kinalulugdang alaga ay Torong Ginto. Ang Torong Ginto, katulad din ng pangkaraniwang baka, ay malimit makitang nanginginain ng damo sa kaparangan.

Ang Torong ito ay siyang tulay ng pag-iibigan at pagmamagandang-loob ng mga mamamayan at ng prinsesa. Ang prinsesa ay napakabait at mapagkawanggawa sa mga taong dukha. Dahil sa Torong Ginto nabibigyan ng salapi ng prinsesa ang mga mahihirap na nangangailangan ng tulong upang ipagtawid-gutom.

Sila ay dapat may mabuting budhi't malinis na asal. Nguni't kung ang mga tao'y mahilig sa pagkakasala wala silang hihintaying gantimpala sa prinsesa.

Lumakad ang mga araw at ang mga mamamaya'y nakalimot sa magandang halimbawa at malinis na pamumuhay. Dahil diya'y nawalang bigla ang Torong Ginto. Nawala rin ang prinsesa.

Sakali mang makita ang Torong Ginto, ito'y nangangahulugang magkakaroon ng gutom, salot, sakit at kung anu-anong sakuna, kaya ang mga tao ay nagprusisyon, nagdasal, nagpamisa at tumutupad ng sarisaring pangako sa kanilang mga anitos.

Naging hampas na parusa ng mga anito sa mga tao ang paglabas ng Torong Ginto. Kung makita ang Torong Ginto, ito'y babalang matutuyo ang mga halaman o di kaya'y magkakaroon ng malaking baha o masamang ani.

Ang raha't lakan ng magkakaratig na balangay ay nagkaisang tumawag ng pulong. Kanilang isinaalang-alang kung ano ang dapat gawin upang ang Torong Ginto ay huwag nang makita. Pinagkaisahan ng lahat na ang pinakamatapang at makisig na binata at subok na kawal ay ialay sa prinsesa upang maalis ang kanyang galit.

Ang kaawa-awang binata ay itinali sa puno ng kahoy upang sunugin. Di-umano'y ang usok nito ay isusubo sa Reyna ng Makulot. Anong pagpapakasakit!

Nang kakanin na ng apoy ang bagong taong ubod ng tapang ay siyang paglabas ng Torong Ginto sa yungib ng bundok. Sakay rito ang Engkantada ng Makulot. Iwinagayway ng prinsesa ang kanyang mahiwagang baston.

Ang binata ay tinangay ng hangin at naagaw sa nagngangalit na apoy. Sa isang iglap ay iniupo siya sa Torong Ginto. Ang prinsesa at binata na kapuwa sakay ng Torong Ginto ay pumasok sa yungib ng bundok. Ang Torong Ginto mula noon ay hindi na napakita.

Ang mga mamamayan naman, dahil sa takot na baka sumipot uli iyon, ay nagbago na rin at nanatiling mabubuting tao.
Previous
Next Post »