Ang Kauna-unahan Nating Ninuno
Noong unang-unang panahon, ang Pilipinas ay karugtong ng lupang Asya. Ang pantayan-lupa sa paligid ng Kapuluang Malay ay higit na mababa noong panahong iyon kaysa ngayon.
Ang Sumatra, Java, at Borneo ay nakakabit sa Tawi-Tawi, Jolo at Basilan sa Zamboanga. May isa pang lupang-tulay, na nagkakabit naman sa Borneo sa mga pulo ng Balabac at Palawan.
Ang Kauna-Unahan Nating Maninirahan
Ang kauna-unahan nating maninirahan sa Pilipinas ay nanggaling sa Asya at tumawid sa mga lupang-tulay. Isa sa mga unang dumating dito ay ang mga kalayu-layuang ninuno ng kasalukuyang mga Negrito. Sila ay maliliit, maiitim ang balat, at kulot ang mga buhok. Ang mga Negritong naninirahan ngayon sa bulubundukin ng Zambales ay mga inanak ng mga unang nakarating dito mula sa Asya. Ang hindi nila pakikisalamuha sa ibang angkan at pananatili nila sa sariling ugali ay siyang naging dahilan na walang pagbabago sa kalagayan ng mga Negrito hanggang ngayon.
Ang mga Indonesyo
Pagkaraan ng ilan pang taon, ibang uri naman ng tao ang dumating sa ating bansa. Noong panahong iyon, nawala na ang mga lupang-tulay. Ang mga bagong dating na nanggaling sa Timog-Silangang Asya ay nakasakay sa mga bangka. Sila ay matatangkad at balingkinitan, mahahaba at tuwid ang buhok, kayumanggi ang balat. Tinatawag natin silang mga Indonesyo. Sila ang mga kalayu-layuang ninuno ng Pilipinong di-Kristiyano at ng mga Pilipinong di-Muslim. Ang mga Ifugao at Kalinga sa Mountain Province, at ang mga Bagobo sa Mindanao ay mga inanak ng mga unang Indonesyong nandayuhan sa ating bayan.
Ang Ating Mga Ninunong Malay
Ilang taon pa ang nakaraan nang dumating ang mga Malay. Sila ang kalayu-layuang ninuno ng nakararaming Pilipino. Sakay sila ng mga bangkang nanggaling sa Timog Asya at sa Timog-Silangang Asya.
Ang mga nandayuhang Malay ay nanirahan sa iba't-ibang pook ng Pilipinas. Ang iba ay nagtungo sa mga pulo ng Bisaya. Sila ang kalayulayuang ninuno ng kasalukuyang mga Bisaya.
Iyong mga nanirahan sa Batangas at paligid-ligid ng look ng Maynila at sa lawa ng Laguna ang naging ninuno ng mga kasalukuyang Tagalog.
Ang mga nanirahan sa hilagang-kanlurang baybay ng Luzon ay naging ninuno ng mga Ilokano. Ang nagtungo sa mga lupain ng Ilog Pampanga ay naging ninuno ng mga Pampango. Ang mga nanirahan sa may Ilog Agno ay naging ninuno ng mga Pangasinan.
Iyong tumigil sa baybay ng Zambales ay naging ninuno ng mga Zambaleno. Ang mga nanirahan sa lupaing Bikol ay naging ninuno ng mga Bikolano. Ang mga nanirahan naman sa kapuluang Sulu at sa lupaing baybay ng ilog Mindanao ay siyang naging ninuno ng mga Pilipinong Muslim.
Sign up here with your email
ConversionConversion EmoticonEmoticon