Print Friendly and PDF

Ang Kwento Ng Pinagmulan Ng Lahi

Ang Kwento Ng Pinagmulan Ng Lahi

Ayon sa matatanda, ang Bathalang lumikha ng daigdig ay si Laor. Ayon sa paniwala ng marami ay amtagal siyang namuhay na nag-iisa dito sa daigdig. Hindi malaunan at siya ay nakaramdam ng pagkalungkot sa kanyang pag-iisa. Upang maiwasan ang ganitong pangyayari ay umisip siya ng isang magandang paraan.

Isang araw ay naisipan niyang kumimpal ng lupa upang gawing mga tao, sa gayon ay malulunasan ang kanyang mga kalungkutan. Iniluto niya sa hurno ang lupang kanyang ginawa. Sa hindi malamang sanhi ay nakalingatan niya ito, kaya't nang kanyang buksan ay maitim at sunog. Ang lumabas na sunog ay naging nuno ng mga Negro at Ita.

Hindi nasiyahan si Bathala sa una niyang pagsubok. Kumuha uli siya ng lupa at hinubog na anyong tao at isinilid sa hurno. Sa takot niyang ito'y masunog tulad ng una, hinango agad sa kalan. Ang lumabas ngayon ay hilaw at maputi. Muling humubog si Bathala ng lupa at iniluto sa hurno.

Palibhasa'y ikatlo na niyang pagsubok ito, hindi napaaga ni napahuli ang pagkakahango niya sa pugon. Hustong-husto ang pagkakaluto ngayon at katamtaman ang kulay. Ito ang pinagmulan ng lahing kayumanggi na kinabibilangan natin.
Previous
Next Post »