Print Friendly and PDF

Ang Kasal ng Dalawang Daga

Ang Kasal ng Dalawang Daga


Ang Kasal ng Dalawang DagaNapakaganda ng nag-iisang anak nina Ama at Inang Daga. Naniniwala ang mag-asawa na nasa sapat na gulang na ito upang humarap sa altar. Ang problema lang ay walang nangangahas manligaw sa dalaga. Mayaman at maganda kasi ito.


Sapagkat pangarap ng Ama at Inang Daga na maging maligaya ang dalaga kaya naisip nilang lapitan ang sinumang karapat-dapat ibigin ng anak.
Una nilang naisip ang Araw. Ang sikat nito ay tinitingala sa kaningningan.


"Ikaw, Araw, ang gusto naming makaisang dibdib ng aming anak."


"Hindi ako karapat-dapat sa dalaga ninyo."


"Pero ikaw ang pinakamakapangyarihang binata sa buong daigdig."


"Higit na dapat ninyong hangaan si Ulap."


Totoo nga naman sapagkat nang magdaan ang makapal at itimang Ulap ay natakpan ang mukha ng Araw.


"Ulap, ulap," tawag ng mag-asawa sa binatang nakalatag sa kalawakan, "ikaw ang karapat-dapat na maging asawa ng aming dalaga."


"A... ako? Hindi ako karapat-dapat sa kaniya."


"Pero ikaw ang pinakamakapangyarihang binata sa daigdig."


"Si Hangin po at hindi ako!" pagmamalaking pahayag ng binata.


Totoo nga naman na nang umihip ang malakas na Hangin ay tumabi si Ulap.


"Ikaw, nakatitiyak kami na ikaw Hangin ang tanging binatang dapat makaisang-dibdib ng aming nag-iisang dalaga."


"Hindi po yata ako karapat-dapat sa inyong pagpili. Nakahihigit po sa akin ang Dingding na hindi matitinag ninuman sa pagiging makapangyarihan."


Dali-daling pinuntahan ng mag-asawa ang matigas na Dingding.


"Dingding, Dingding. Ikaw ang marapat na mapangasawa ng aming dalaga. Matipuno ang iyong pangangatawan at hindi maitutumba ng Araw, Ulap at Hangin."


"Huwag ako ang piliin ninyo. Ang binatang Daga ay unti-unting umuukit at nakapagpapabagsak sa akin."


Totoo nga naman. Anumang tibay ng Dingding ay mauuka at ngangasabin ng isang Dagang matutulis ang mga ngipin.


Tuwang-tuwa ang lahat ng kalahi ng binatang Daga nang ligawan nito ang nag-iisang dalaga ni Ama at Inang Daga.


Ipinagbunyi sa Dagalandia ang masayang kasal ng dalawang nilalang.


Aral: Upang mapahalagahan ang kaligayahan, sipatin ito sa malapitan.

Previous
Next Post »