Ang Kuneho at ang Aso
Isang hapon, nag-iikot ang isang Asong humahanap ng mabibiktima. Nalulungkot siya sapagkat wala na siyang almusal, wala pa rin siyang tanghalian at kung mamalasin ay baka wala rin siyang magiging hapunan.
Lihim na natuwa ang gutum na gutom na Aso sapagkat natanawan niyang sumulpot sa talahiban ang isang malusug na malusog na Kuneho. Nagtago sa likod ng puno ng banaba ang naglalaway na Aso. Nang mapalapit ang Kuneho ay ngingisingising lumabas ang Aso.
"Magandang hapon sa iyo, Kuneho!"
"Magandang hapon naman," tugon ng binati na takang-takang hindi siya ngayon tinatahulan ng maingay na Asong kinatatakutan.
"Mu... mukhang pumanhik ka yata sa kabundukan?"
"A, oo," hindi nagpahalata ang kinakabahang Kuneho, "nagpahangin lang ako sa itaas ka... kaya heto at puno na naman ng sariwang hangin ang baga ko. Mabuti ang hangin sa kabundukan. Nagpapalusog ito ng ating pangangatawan."
"Hmmmm..." pinisil-pisil ng Aso ang siksik na katawan ng Kuneho at nagsabing, "malusug na malusog ka nga. Malusug na malusog."
Nang mapansin ng Kunehong inilalapit na ng Aso ang matatalim na mga ngipin upang sagpangin ang leeg niya ay humaririt na siya ng takbo.
Takbo sa loob ng kagubatan ang takut na takot na Kuneho. Lalong pinag-ibayo ng Aso ang pagtugis dito. Sige sa pagtakbo ang Kuneho at sige sa paghabol ang lokong Aso. Kung mabilis na mabilis humabol ang gutom na Aso ay parang ipu-ipo rin sa pagtakbo ang pobreng Kuneho. Aabutan na sana ng Aso ang gagawing hapunan nang papasukin ng ka-pamilyang Kuneho ang kalahi nilang nakikipaghabulan sa kamatayan.
Nanghinayang ang gahamang Aso sa kabiguan.
"Hoy, Aso. Malas ka at di mo nakuha ang iyong hapunan. Isang maliit na Kuneho lang pinaalpas mo pa sa iyong mga kamay."
"Oo. Isang maliit na Kuneho lang. Pero pantawid gutom lang naman ang aking ipinakikipaglaban. Ang ipinagtatanggol ng maliit na Kuneho ay buhay at kaligtasan."
Aral: Ang pansariling kaligtasan ay dapat ipakipaglaban.
Sign up here with your email
ConversionConversion EmoticonEmoticon