Print Friendly and PDF

Ang Leon at ang Daga - First Version

Ang Leon at ang Daga - First Version


Ang Leon at ang DagaIsang araw, natutulog ang mabagsik na leon. Isang daga ang naparaan at siya'y naamoy ng leon kaya't ito'y nagising. Bigla nitong hinuli ang daga. Nagmakaawa sa leon ang daga.


"Maawa ka sa akin! Huwag mo akong kainin! Sa liit kong ito'y hindi ka mabubusog. Pakawalan mo na ako. Balang araw ay makagaganti rin ako sa iyo."


"Sa liit mong 'yan, paano ka makatutulong sa akin?" sagot na patanong ni Leon.


"Hindi ko alam. Pero nasisiguro ko, makakatulong ako sa iyo," sagot ni Daga.


"Magpasalamat ka at kakakain ko lang. Sige, makaaalis ka na," sabi ni Leon.


"Maraming salamat," sabi ni Daga na nagmamadaling umalis.


Minsan, habang naglalakad sa gubat si Leon, hindi niya napansin ang isang bitag. Nakita na lamang niya ang sarili sa loob ng isang lambat.


"Tulungan ninyo ako!" sigaw ni Leon.


Nakita ni Usa ang nangyari kay Leon. Lumapit ito.


"Tulungan mo ako, kaibigan," pakiusap ni Leon kay Usa.


"Pakakawalan kita, pagkatapos ay kakainin mo rin ako. Ayoko!" sagot ni Usa sabay alis.


Hindi malaman ni Leon ang gagawin. Paikut-ikot siya, nagpipilit na makawala. Isang unggoy ang naparaan.


"Kaibigan, maawa ka na. Pakawalan mo ako," ang sambit ni Leon kay Unggoy.


"Ano? Pakakawalan kita? Kahapon lang ay hinabol mo ako para kainin. Tapos ngayon, tutulungan kita? Hindi, ayoko!" sagot ni Unggoy. At nagpatuloy ito sa paglakad.


Siya namang pagdating ni Daga.


"Tutulungan kita, kaibigan," ang sabi ni Daga kay Leon.
"Paano mo ako tutulungan? Napakaliit mo," pagalit na sagot ni Leon.


Hindi na sumagot ang daga. Sinimulan niyang ngatngatin ang lambat hanggang sa makagawa siya ng butas na daraanan ni Leon.


Sa wakas, nakalabas din si Leon. Anong tuwa niya!


"Maliit ka nga pero malaki ang nagawa mo. Salamat, kaibigan. Makagaganti rin ako sa iyo," sabi ni Leon.


"Huwag mo nang alalahanin 'yon. May utang na loob din naman ako sa iyo," sagot ni Daga.

Previous
Next Post »