Ang Puti at Itim na Kambing
Sa isang makitid na tulay ay nagkasalubong ang dalawang Kambing. Sapagkat hindi maaaring magkasabay ang dalawa, kinakailangang bumaba muna sa pinanggalingan ang isa.
"Napakakitid ng tulay. Maaari bang bumalik ka muna at paraanin ako?" pakiusap ng Itim na Kambing.
"Bakit hindi ikaw ang magmagandang loob. Higit na mabuti ang nagbibigay kaysa tumatanggap." sagot ng Puting Kambing.
"A basta. Nauna ako sa gitna ng tulay kaya ako ang dapat na makadaan."
"Mali ka kaibigan. Sabay lang tayong nakarating sa ating kinatatayuan kaya pareho lang tayong may karapatang makatawid."
"Kung ayaw mong magparaan ay iitim ang balahibo mo sa init ng araw."
"Umitim na kung umitim pero ako ang dapat na makagamit sa daan."
"Hindi kita mapapayagan."
"Talagang di ka papayag. Hindi lang pala maitim ang balat mo. Pati pala kalooban mo ay kasing-itim din ng anyo mo."
"Aba! Pati panlabas na kulay ko ay dinamay mo. Maputi ka nga sa tingin ng tao pero burak pala ang kalooban mo."
"Hindi kita dapat paraanin."
"A basta. Dadaan ako."
Parehong nagpilit dumaan sa makitid na tulay ang dalawa. Walang nagparaya. Kapwa sila naging gahaman sa kani-kanilang karapatan. Pero ano ang kanilang kinauwian? Pareho silang nahulog at nalunod sa ilug-ilugan.
Sa sobrang kasakiman, inihatid ang dalawang gahaman sa kani-kanilang kamatayan.
Aral: Nasa pagbibigayan, ang pagsasama nang matagalan.
Sign up here with your email
ConversionConversion EmoticonEmoticon